Monday, September 15, 2008

Basahin ang mga patlang

Ito ang patlang na nais kong punuin ng aking mga akda noon, ngayon at sa hinaharap. Hindi ko pa alam kung ano ang isusulat talaga rito, kaya sa ngayon, aking inilagay ang ilan sa mga tula at maikling kuwento na aking naisulat. Sana kung sakaling magawi kayo rito sa aking sulok ng patlang, sanamagawa ninyong sulyapan.

Punuin natin ng diwa ang patlang sa isipan.

INA

Pumailanglang sa katahimikan
ng gabi ang iyong pagtangis.
muli, ginambala ng iyong kalungkutan
ang aking pagkakahimbing.

Pinuno ng iyong luha ang aking puso
at tuluyang nilunod ang aking isipan,
tinangay ng alon ng iyong damdamin
at itinaboy ng nagpupuyos na
hangin ng iyong poot.

(Kung alam mo lamang na sa tuwing
dumadalaw sa iyo ang bagyo ng dalamhati,
ako'y nasasalanta rin...)

Malaman mo sana na dama ko
ang iyong kalungkutan.
Walang hiwaga ang ating pagkakaugnay.
Hindi ba't noong una'y magkarugtong
ang ating sikmura't katawan?
Utang ko sa iyo ang aking buhay
at ako'y nagmula sa inyo.

Dati-rati, noong ako'y nasa iyo
pang sinapupunan, ay pinagsasaluhan
natin ang pagkain na iyong sisubo.

Tila ngayon, pagdaan ng maraming taon,
mula nang mapatid ang lubid na laman
na nagdurugtong sa atin, nabigong putdin nun
ang kaugnayan ng ating puso't damdamin.
Ngayon, ‘di na pagkain ang ating pinagsasaluhan
kundi ang dalamhati ng iyong puso't kaluluwa.

Malaman mo sana na ang bawat
patak ng luha na gumuguhit sa iyong pisngi
ay may katapat na sugat sa aking puso.
Kung dati-rati’y ikaw ang pumapawi
sa mga luha sa aking mga mata,
hayaan mong ako naman ang magsabing
“Ina, tahan na, tahan na…”

August 12, 2006

SA MGA MARTIR AT BAYANI NG BAYAN

“Ang iyong mapupugtong hininga
ay ang siyang magbibigay buhay sa ating bayan
at siyang matamis na alaala na maiiwan sa iyong kapatid”.


- Andres Bonifacio

Rumagasa ang dugo sa iyong mga ugat,
umalab ang puso mong naghihimagsik,
inalay mo sa masa ang bawat salita na namutawi
sa iyong mga labi – tanging sigaw ay paglaya.

Inalay mo ang bawat patak ng pawis at dugong
nagmumula sa iyong katawan sa tuwinang
sinusuong mo ang landas ng kalayaan
ang landas na di kailanman magiging payapa

Sapagkat bagyo ang iyong sinuong, ang bagyo
ng pasismo, ang sigwa ng dahas,
Hinaharap mo ang delubyo ng pananakot
at panlilinlang na winawasiwas ng gubyernong
lango sa kapangyarihan at lulong sa karangyaan.

Batid mong dahas ang sukli sa pagsigaw ng katarungan,
dahas ang katapat sa paghingi ng pagkain sa tiyan,
hampas at dagok, konting bali ng braso at putok sa ulo
ang kapalit paggigiit ng karapatan sa edukasyon

Batuta at truncheon ng pulis ang sagot
sa panawagan sa pagpapataas ng sahod,
watercanon kung hindi naman bala ng armalayt
ang tugon sa paghingi ng lupa para sa mga magsasaka,
at buhay naman ang kabayaran ng kalayaan ng bayan.

Batid mo ito pagkat ika’y mulat at ika’y nagbuwis.
Inalay ang sariling buhay sa dambana ng masang api.
Ikaw na ‘di natakot, ‘di nanahimik, ‘di nag-alinlangang
itaya ang buhay sa gitna ng digma para sambayanan….

Hindi kayo malilimot…

PEPE

Lungkot at galit ang pumailanglang,
noong gabi ng ika-dalawampu’t walo
ng nobyembre nang ika’y pinaslang.
Anim na putok sa karimla’y umalingawngaw
kakonsyerto ang iyong pahimakas na mga sigaw.

Mga pasista’t berdugo, sila’y dumating,
Mga ahente ng gubyernong sa kapangyariha’y lasing.
Nilayon nilang isakatuparan ang madilim na hangarin,
Magsaboy ng takot at ika’y patahimikin!

Kanilang nilayon at sa wari nila, sila ay nagtagumpay
Ikaw ay pinatahimik, binawian ng buhay.
Binaon nila ang mga tingga sa iyong katawan,
Pinaslang dahil sa pagmamahal sa bayan.

Sa wari nila, sila’y nagtagumpay
Nagdiriwang ngayon ang mga berdugong kaaway!
Sila’y nagpipiyesta sa iyong kamatayan
Nalulunod sa kabalintuhanan at baliw na kasiyahan!

Para sa gubyerno, kasalanan nga ba kung ituring
ang mangarap ng isang malayang bukirin?
Kriminal, terorista bang matatatawag
Ang mga kagaya niyang tunay na demokraya ang hangad?

Ilan na bang katulad mo na ang nabubuwal?
Naparusahan dahil sa baya’y nagmahal.
Kasalanan nga ba sa kanilang mga mata
Ang sa masa ay maglingkod at mahangad ng laya?

Hindi! Sila ay hindi nagtagumpay, sila ay nabigo.
At hinding-hindi sila magatatagumpay at patuloy na mabibigo.
Bala man ang umagaw sa iyo sa aming piling
Ang inspirasyon ng iyong buhay, prinsipyo
at diwa ay di kailanman makikitil.

Ang iyong dugo na sa bukid ay pumatak, dumilig at bumaha
Ay magsisilbing sustansya, abono at pataba
Sa matabang lupa ng ating kilusang mapagpalaya!

August 8, 2006

JOSE

Napatid ang mahabang pakikipagniig sa gabi. Nabiyak ang kadiliman na bumalot sa magdamag. Sumilip ang isang silahis ng araw at unti-unting kumawala mula sa uwang sa madilim pang langit. Sa pagkalat ng liwanag, isa-isang nalalantad ang mga halaman sa parang at nilalang na kinumot ng ginaw. Isa-isang pinupukaw ng pagdampi ng dila ng haring araw.

Sa munting kubo, dumungaw sa bintana ang dilaw na sinag at sumilay ito sa isang batang natutulog na may pitong-taong gulang. Nakalumpasay ang batang ito sa papag na higaan. Dumampi ang munting silahis sa pisngi ng bata, at unti-unting hinagod ng maiinit nitong palad ang kanyang balat. Nagkabuhay ang mga pilik-mata ng bata sa pagtama ng sinag sa kanyang mga mata. Unti-unti niya itong ibunuka upang salubungin ang mainit na pagbati. Sa kanyang bahagyang pagkasilaw itinapat nito ang palad sa mga mata kasabay ang isang ngiti bilang bati sa umagang ganap nang nagsimula.

Iginala ng bata ang kanyang mga mata sa paligid ng kanilang maliit na kubo tila may hinahanap. Ngunit mistulang siya na lamang natitira sa papag na higaan. Siya na naman ang nahuli. Maagang nagigising ang kanyang mga magulang upang maagang masimulan ang mga gawain sa bahay at bukid. Gayun din ang kaniyang mga nakatatandang kapatid. Iginala niya ulit ang kanyang mata at natunton nito ang kanyang lumang mga tsinelas. Isunuot niya ang mga ito sa kanyang mumunting mga paa at saka umupo muli sa papag mistulang wala pa sa kanyang ulirat.

Bigla siyang napatalon mula sa pagkakaupo sa papag at napasigaw, tila ngayon lang nadapuan ng lumilipad na isipan mula sa pananaginip.

“Lagot!” kanyang bulalalas sabay takbo palabas. Naalala niyang nangako siyang maagang magigising upang samahan ang kanyang ama sa bukid para sa pagtatanim ng palay. Kagabi lang ay buo ang kanyang pagmamalaki na kaya na niyang tumulong sa bukid at nangakong sasama siya sa maagang pagtungo ng kanyang ama upang magsaka. Buong giliw din naman itong sinang-ayunan ng kanyang ama.

“Itay, sasama po ako sa inyo sa bukid. Tutal sabado naman po bukas, wala po kaming klase puwede ko po kayong tulungan. Para po mas maaga kayong makauwi at makapunta tayo sa perya mamayang hapon. Sige na po”, ika niya sa sa kanyang ama habang nakatuntong sa silyang kawayan.

“Hahaha!” malulutong ang mga tawa ng kanyang ama.“Jose, sigurado ka ba? Nakakatuwa ka naman. Sige papayag ako basta’t maaga kang magigising bukas.”

“Opo! Sisugraduhin ko pong magigising ako ng maaga!” Sabay yakap sa ama at pagkatapos ay kumaripas ng takbo patungo sa loob ng kanilang kwarto.

“O, ano nang nagyari sa iyo at tumakbo ka diyan?” tanong ng kanyang ama.

“Matutulog na po ako para maaga bukas.” Ang sagot ni Jose sa tanong.

Pero tila nabigo si Jose sa kanyang pangako at heto nga siya at nagmamamadali upang humabol sa amang malamang ay nasa bukid na.

Ngunit sa pagmamamdali ay nabangga niya ang kanyang ina na abala sa pagluluto sa kanilang kusina.

“O, bakit ka kumakaripas na naman, Jose? Magdahan-dahan ka nga, bata ka!” nabiglang bigkas ng kanyang Ina.

“Si, Itay po hahabulin ka sa bukid. Nahuli po ako sa paggising eh…”

“Hay naku. Oo nga pala. Eh, parang angsarap ng tulog mo kanina kaya hindi ka na namin ginising”, ika ng kanyang ina.

“Ganun po ba?” sagot ni Jose sabay kamot sa kanyang ulo.

“Hay, antukin kasi. Wala nang ginawa kundi matulog”, nang-aasar na sambit ng kanyang Ate Juana na abala sa pagluluto. Lumilipad ang mga alipato habang buong lakas nitong pinapaypayan ang kalan. Napansin din niya ang kanyang bunsong kapatid na si Tanya. Limang taon na si Tanya ngunit hanggang ngayon gumagapang pa rin ito dulot ng polyo sa kanyang mga binti. Nagpalitan ng ngiti ang dalawa. Sinulyapan din niya ang kanyang Ate. Ngunit abala pa rin ito sa kanyang ginagawa.

“Hahabol pa rin po ako... gusto ko po talagang makatulong dun sa bukid”, sambit niya sabay karipas ng takbo. Lumipad ang alikabok sa kanyang mga paa. Umalingawngaw ang kanyang paalam sa kanyang ate at ina na ngayo’y tangan-tangan si Tanya.

Patakbong tinahak ng kanyang maliliit na paa ang daan patungo sa kanilang sinasakang bukid. Kabisado niya ito. Maraming beses na niyang tinunton ang makikitid na daang minsa’y maputik tuwing tag-ulan at sa tag-init nama’y maalikabok. Ngayon magkahalong putik at alikabok ang sumalubong sa kanyang maliliit na mga yapak.

Huminto siya saglit sa sangang daan na tumutungo sa bayan at sa kanilang bukid. Natatanaw niya mula rito ang kanilang paaralan. Nagsisimula pa lamang siya sa ika-unang baitang ng elementarya. Isang buwan pa lamang pagkatapos nagsimula ang kanilang klase. Bumalik sa kanyang alaala ang unang araw niya sa paaralang iyon.

“Ano ang gusto niyong maging paglaki ninyo?” tanong ng kanilang guro na may kabataan pa. Marami ang sagot ng klase, may iba-iba minsan ay parereho – enhiyero, abogado, pulis, sundalo, marami ang gustong maging nars, maraming gustong mag-abroad. Pero may pagkakahalintulad ang kanilang mga sagot bagama’t pitong taong gulang lamang silang lahat – lahat sila ay may mga pangarap.

“Jose, ikaw anong gusto mong maging paglaki mo?” tanong sa kanya ni Miss Buena.

“Doktor po” ang kayang mabilis na sagot. “Gusto ko pong makatuklas ng gamot para makatayo na si Tanya at makalakad. Tapos maghahabulan kami”, masaya ang kaniyang sagot.

Ibinaling ni Jose ang kanyang mata sa mas malayo at tinanaw ang perya na pawang tulog pa. Wala ang mga ingay at musika na nagbibigay ng buhay dito. Wala pa ang mga ilaw na nagbibigay ng kakaibang alindog dito.

Sa kanyang isip binuksan niya ang mga ilaw na iyon at umandar unti-unti ang mga makina ng kasiyahan. Nagkatunog ang mga palaro at unti-unti niyang narinig ang mga boses at tawanan ng mg tao sa perya. Gabi na sa kanyang isip at sila ng kanyang ama, ina at mga kapatid ay masayang patungo doon.

Inihinto ni Jose ang kanyang pananaginip at itinuon ang mga mata sa daang tumutungo sa bukid na kanilang sinasaka. Batid niyang nandun na ang kanyang ama.Tinutulak na siya ng kanyang kagustuhang makita ang kanyang ama na ipagpatuloy ang kanyang pagtungo doon. Inihakbang niya ang kanyang kanang binti upang simulan muli ang kanyang matuling takbo patungo roon ngunit napigilan siya ng isang anino tumambad sa kanyang harapan.

“Bata, anak ka ni Dencio, di ba?” tanong ng lalaki nakasuot ng madilim na salamin, umuugong ang kanyang boses. “Namumukhaan kita, ikaw iyong batang laging kasama ni Dencio, di ba?” tanong muli ng lalaki habang hinithit ang sigarilyo at pagkatapos lunurin ang sarili sa usok ay ibinuga ito sa hangin. Napansin niyang hindi nag-iisa ang lalaki. May dalawa itong kasama na pawang naninigarilyo rin at kabababa lang sa isang dyip.

“Opo”, kanyang sagot dito.

“Sabi ko na nga ba eh… ah… nasan ang tatay mo?” habang nakatingin ang lalaki sa kanyang mga kasamahan.

“Nasa bukid po. Pupuntahan ko nga po siya eh” may tunog ng pagmamalaki sa kanyang sagot bakas ang kasihayan na dulot ng naaantalang pagkikita nila ng kanyang ama sa bukirin.

“Ganun ba?” sagot ng lalaki sa kanya halos walang emosyon, nakatitig sa kanya. “Salamat” ang umugong na pahabol nito habang nakatitig sa kanya. Sa kanyang isipan nakatitig sa kanyang mga mata amg lalaking iyon datapwa’t di niya makita ang mga mata nito dahil sa “sunglasses” nitong suot. May bahid ng ngiti sa mga labi ng lalaki habang binigkas ang salitang iyon.

Nanatiling nakatayo si Jose sa gitna ng daan habang tumungo ang lalaki sa kanyang mga kasamahan.

“Nasa bukid daw. Dumiretso na tayo doon”. Sumakay ang mga kalalakihan sa kanilang sasakyan. Ilang saglit pa’y nagkabuhay ang makina ng dyip at nagpalabas ng maitim na usok. Unti-unting umikot ang mga gulong at tinahak ang landas papunta sa bukid na kanilang sinasaka. Mukhang nakapunta na ang mga iyon doon. Kasabay ng pag-ikot ng mga gulong ang pag-inog nang kanyang pagtataka. Napaisip si Jose kung saan at kailan niya nakita ang mga iyon at kung bakit nila hinahanap ang kanyang ama.

Nakita na niya iyon dalawa o tatlong beses sa kanyang alaala. Minsan ito’y pumunta na ang mga ito sa kanilang bahay kasama ang isa pang lalaki na mas magarang manamit kaysa sa mga lalaking iyon. Nagkaroon ng pagtatalo ang kaniyang ama sa mga ito. Doon niya narinig na nagtaas ng boses ang kanyang ama.

“Ano’ng tingin niyo sa mga sarili niyo? Pupunta kayo rito na may di hamak na papel na hawak at sasabihin sa aming hindi na sa amin ang aming bukid na sinasaka? Na di na sa amin ang lupang kinatitirikan ng aming bahay at dapat na kaming lumikas? Aagawin niyo sa bisa ng papel na inyong hawak ang lupaing minanana pa namin sa aming mga ninuno? Ang lupaing inaruga namin ng aming pawis at dugo at aagawin niyo lang gamint ang letra sa inyong papel at inyong salapi?” galit na pahayag ng kanyang ama.

“Mang Dencio, nasa amin po ang katibayan. Dapat pa nga po kayong magpasalamat at maawain po si Mr. Makapagal at nag-offer pa siya ng compensation para sa mga maapektuhang pamilya. Sa kanya nakapangalan po ang land title. Pumayag na po ang ibang pamilya. Kayo na lang po ang hinihintay. Malaki pong project ang naghihintay at marami po itong benepisyo sa bayan ng Santiago.” sagot ng lalaking may magarang kasuotan at may salaming suot.

May saglit na katahimikan na namagitan sa dalawang nagtatalo. Pinutol ito ng pagpapatauloy ng lalaking may magarang kasuotan.

“We only intend the best for your town and all the..”

“Huwag mo akong i-inglesen! Akala mo ba’y makukuha mo ako sa mga matatamis na pananalita mo? Huwag mong akalain na dahil hindi kami nakapagatapos tulad mo ay mauuto mo na kami ng ganu-ganun na lamang! Wala kaming alam sa mga batas niyo at sa mga proyekto ninyo. Isa lang alam namin at iyo ay nabuhay na kami sa lupaing nais niyong agawin at dito na rin kami mamamatay!”

Iyon ang unang pagkakakataon na nakita niya ang lalaking iyon. Ang pangalawa ay noong isinama siya ng kanyang ama sa kabesera. Nagtungo sila korte upang igiit ang kanilang pagmamay-ari sa lupa. Kung saan-saan at kung kani-kanino sila lumapit ngunit walang nangyari. Napansin niyang may lungkot sa mga mata ng kanyang ama pagkagaling nila sa kabesera kahit na pilit na pinagtatakpan ng kanyang ama ito sa pamamagitan ng mga ngiti.

Minsan nakita niya ulit ang lalaking iyon dalawang linggo nang nakalilipas, sila ay nagtungo sa kanilang bahay. Naalala pa niya ang hapon na iyon.

Haggling lang nila ng kuya niya mula sa pagpapastol ng kanilang kalabaw nang nadatnan nilang nakikipagtalo muli ang kanilang tatay sa mga kalalakihan. Nilapitan niya ang kanyang ama ngunit natigilan nang marinig niyang nagtaas muli ng boses ang kanyang ama.

“Hindi kami aalis at hindi niyo kami matatakot! Ang pag-agaw niyo ng lupa sa amin ay pagpatay na rin sa amin. Mas nanaisin pa naming mamatay!” nagpupuyos na sambit ng kanilang ama.

Napansin ng lalaki ang kayang pagdating at bahagya siya nitong tinapunan ng tingin. “Kung iyang ang gusto niyo. Binigyan na po namin kayo ng pagkakataon” sagot ng umuugong na boses ng lalaki bago sila lumisan lulan ng isang sasakyan.

Makulimlim ang hapon na iyon, may nagbabadyang ulan. Kakaiba ang katahimikan na bumalot sa kanyang ama pagkatapos nun.

Nanatiling nakatitig si Jose sa dyip habang ito’y unti-unting nawala sa kanyang paningin patungo sa kanilang sinasakang bukirin. Iniisip pa rin kung bakit hinahanap ng kalalakihan ang kanyang ama.

Naalala niya patungo rin nga pala siya doon. Bumalik sa kanyang imahinasyon ang hinihintay na pagdating ng hapon kung saan tutungo sila sa peryahan ng kanyang ama. Pinungas niya ang mga katanungan as kanyang isip at muling nagsimulang tumakbo.

“Malapit na ako”, sambit niya sa kanyang sarili. “Natatanaw ko na ang aming bukid. Nandoon si itay… at si kuya”.

Sumasabay ang tibok ng kanyang puso sa kanyang bawat hakbang. Bawat hakbang na kanyang binibitawan ay naghahatid sa kanya ng kaligayahan. Napuno ang kanyang isip ng magagandang mangyayari mamayang hapon. Binaha ng mga mukha ng kanyang mga kapatid at ina ang kanyang isipan. Lumitaw sa kanyang isipan ang nakangiting mukha ng kanyang ama. Napangiti siya sa kanyang mga naisip.

Lumitaw rin sa kanyang isip ang perya at narinig muli ang ingay nito. Naisip niya ang mga magagarang ilaw na pumapailanlang at naghahatid magagarang liwanag na sumasanib sa mga tala sa madilim na kalangitan. Tila naririnig niya rin ang mga ito.

Bang! Bang! Bang! Bang! Bang!

Naputol ang kanyang mistulang pananaginip nang tumabad sa kanya ang kumakaripas na sasakyan. Tumalon siya sa gilid ng daan upang iwasan ang sasakyang rumaragasa. Lumapag ang kanyang katawan sa mga dawag na tumutubo sa gilid ng daan nagpaikot-ikot siya at humandusay sa mga ito. Sa gilid ng kanyang mata nakita niya ang sasakyang bumubuga ng maitim na usok. Namukhaan niya ang sasakyan at bumalik sa kanyang isipan ang mukha at ang boses ng lalaking kumausap sa kanya kani-kanina lang. Tila naririnig niya ang maugong na boses ng lalaki sa kanyang pagtawa.

Dahan-dahan iniangat ni Jose ang kanyang namamayat na katawan tila gumigising muli sa pangalawang pagkakataon sa umagang iyon. Muli siyang nasilaw ng liwanag. Mataas na ang sikat ng araw.

Nilingon niya ang sasakyan ngunit ang lumilipad na alikabok kasama ng maitim na usok ang kanya lamang natanaw.

“Tulong!” biglang humiwa sa himpapawid ng kayang isipan ang isang sigaw. Nakikilala niya ang boses na ito. Tila nahihirapan at nawawala sa sarili ang boses na iyon. Nagmadali siyang tumakbo papunta sa kanilang bukid. Tila mas malayo ang bukid sa karaniwan. Tuloy-tuloy pa rin ang paghingi ng saklolo ng lalaki.

Nakarating siya roon at nakita kung sino ang humihiyaw – ang kanyang kuya Ronnie, duguan at tumatakbo. Binilisan pa niya ang kanyang takbo upang salubungin ang duguang kapatid.

“Ano’ng nangyari? Bakit ka duguan?” nanginginig ang kanyang boses halos di makapaniwala, natatakot.

“Ang mga iyon…ang mga iyon..” putol-putol ang kanyang mga salita.

Hinintay ni Jose ang mga sumunod na mga salita ng kanyang kuya. “..pinatay nila si Itay!.. Pinatay nila si Itay!..” sigaw ng kayang kuya.

Iginala ni Jose ang kanyang mga mata. Hindi siya makapaniwala. Sa kanyang isipan hinahanap niya ang amang nakatayo, nakangiti sa kanya, hinihintay ang kanyang pagdating. Hinanap ng kanyang mga mata ang ama sa kanyang isipan ngunit hindi niya ito natagpuan bagkus natapunan ng kanyang mga paningin ang isang nakahundusay na bangkay sa gitna ng palayan. Kumaripas siya ng takbo patungo doon, sumasabay ang bawat hakbang niya sa putik sa tibok ng kanyang puso. Halos naririnig niya ang kanyang puso sa pagtibok nito.

Huminto siya sa paanan ng bangkay sa kanyang harapan. Mapula ang tubig at putik na kanyang kinatatayuan marahil dahil sa pagkalat ng tumagas na dugo. Lumuhod siya dahan-dahan, nanginginig. Tumulo ang kanyang luha sa mapulang tubig at putik at sumanib sa mga ito.

Dahan-dahan niyang inilagay ang kanyang kamay sa duguan at maputik na paa ng nakahiga at walang buhay na bangkay ng kanyang ama. Dahan-dahan niya itong hinawakan para bang nanatakot sa isang katotohanang ayaw pa ring paniwalaan. Dinama niya ito, wala nang buhay. Nagpatuloy ang pagragasa ng luha mula sa kanyang mga mata. Nagpakawala siya ng isang sigaw ng pagtangis.

Gumapang siya sa putik patungo sa gawing itaas ng bangkay. Tumambad sa kaya ang mukha ng kanyang ama. Mistula itong naliligo sa pulang likido.

Dahan-dahan niyang idinampi ang kanyang mumuting mga palad sa mukha ng kanyang ama at hinagod upang punasan ang magkahalong putik at dugong bumabalot dito. Minasdan niya ang mukha ng kanyang ama habang tumatangis, hinahanap ang ngiti na dati-rati’y laging nasa mukha nito sa tuwing siya’y nakikita. Hindi na niya ito natagpuan.Walang ngiting bumati sa kanya sa pagtatagpo nilang ito ng kanyang ama.

Nilisan na ng kaligayan ang puso ni Jose, humalili ang labis na kalungkutan.

Narinig niya na patuloy pa rin ang pagtangis ng kapatid habang tumatakbo palayo para humingi ng saklolo.

Napansin ni Jose ang isang bagay may ilang metro ang layo kung saan nakahandusay ang walang buhay na katawan ng kanyang ama. Gumapang siya patungo kung nasaan ito at ito’y sinuri. Di niya mawari kung ano iyon dahil ito’y natatakpan ng putik. Hinawakan niya ito at dinama ang malamig na bagay na ito. Ito’y kanyang inangat, pinahid ang putik upang makita ang buo nitong kaanyuan. Itinaas pa niya ito at itinapat sa araw. Kinailangan ng ilang sandali bago niya natiyak na baril ang kanyang natagpuan.

Tintigan niya iyon sa tapat ng mataas na sikat ng araw habang siya ay nakaluhod, patuloy ang kanyang pagtangis. Ang kalungktan sa kanyang puso ay nagdulot ng malaking puwang sa kanyang puso. Naalala niya ang mukha ng mga lalaking iyon. May namumuo sa kanyang kalooban. Ngayon hindi lang kalungkutan ang nadarama ng kanyang musmos na puso’t isipan. Siya ngayo’y namumuhi.

Mula sa kanyang pagkakaluhod, marahan na tumayo si Jose bitbit ang kanyang bagong sandata. Pinunasan niya ang mga luha sa kanyang mata ng maputik na mga kamay. Huminto siya sa kanyang pagtangis. Marahan siyang lumakad patungo sa walang buhay na katawan ng kanyang ama. Huminto siya at ito ay matamang tinitigan. Tila pinawan na ng emosyon ang kanyang musmos na mga mata.

Sa kanyang mga kamay, tangan-tangan niya ang kanyang poot.