Friday, September 19, 2008

Check Up

Noong nakaraang Huwebes sinamahan namin si Kuya Ric sa ospital upang magpa-check-up.Hapon na kami nakaalis mula sa aming tinitirhan. Akala ko sasakay kami ng jeep pero kinailangan pala naming sumakay sa tricycle papunta sa ospital dahil hindi makasakay ng jeep si Kuya at hindi siya makalakad ng malayo. Kinailangan ko tuloy na mag-abang tricycle sa labasan upang maihatid sa ospital.

Dumating kami dun mga 2pm. Akala ko saglit lang kami. nakalimutan ko ang totoong kalagayang pangkalusugan natin sa Pinas. Pinaalala lang ng itsura ng OPD ward ang masalimuot na katotohanang ito.

Noon lang ako nakarating doon sa tanang buhay ko. Siksikan ang mga taong nakaupo at naghihintay ng kanilang pagkakataon na matingnan ng mga nurse at doktor.

Inisip ko kung gaano kami katagal na maghihintay. Sakto naman na naisip ko na dalhin ang aking libro sa Special Contracts ni Paras para basahin habang naghihintay. Iniisip ko rin iyong appointment namin sa isang kaibigan ng alas-tres.

May isinagaw na numero iyong tao sa likod ng mikropono. "30-35".

"Kailangan nating kumuha ng numero", sabi ni Kuya Ric. 53 ata iyong nakuha namin. Nalaman ko na medyo matatagalan kami. Okay lang naman.

Minasdan ko iyong mga tao at mga nurse habang abala sila sa mistulang mga pang-araw-araw na ritwal. Iniisip ko habang pinagmamasdan ang pila ng mga nakaupo, "lahat na ng importante sa Pinas kelangang pilahan tulad ng bigas, tulad ng serbisyong medikal".
.
O 'di kaya ang pagpatingin sa doktor ay para na ring pagpila sa lotto, hindi sigurado ngunit nagbibigay ng kakaunting pag-asa ng kaginhawaan.

At katulad ng lahat ng importante at kailangan sa Pilipinas ang serbisyong medikal ay kailangang bayaran. 100 ata iyong kailangang bayaran ni Kuya Ric para makapila, para mabigyan ng pagkakataong matingnan ng doktor. Para ano? Para marinig iyong mga gamot na kailangang bilhin, iyong totoong kalagayan niya, para maalala niya na tinaningan na siya ng kalagayan niya sa katawan at ng kanyang kalagayang pang-ekonomiya.

"Quality service does not come cheap" ayon sa isang kaibigang estudyante habang nagdidiskusyon kami sa sitawasyong pangkalusugan.

Lagi naman ganito iyong excuse ng mga kapitalista. Dahil kailangan nilang protektahan ang kanilang interes. Dahil kumukita sila. Iniisip ko tuloy sa set-up ng mga ospital natinngayon, pinagkakakitaan lang ng mga kapitalista ang mga sakit ng tao. Biruin mo iyon may sakit ka nga nga, pagkakakitaan ka pa.

Naisip ko rin habang nasa ospital na sa kalagayan ng ospital na siksikan, maaaring mas lumala pa ang may sakit kaysa sa gumaling. Ako nga halos hindi na ako huminga dahil itsura ng ospital.

Ang ospital na ito ay isa sa mga pinaka-maunlad na pampublikong ospital sa rehiyon. Kung ganun, ano na itsura nung iba?

Nagtataka tuloy ako kung paano naiisip ng mga student nurse ang umalis pa papunta sa ibang bansa habang sila mismo ang halos araw-arw na nakakasaksi kung gaano karami sa mga kababayan natin ang nangangailangan ng serbisyong medikal.

Nakakabahala, ngunit ang aking pagsama sa check-up ni Kuya Ric ay isang exposure din sa akin sa tunay na kalagayang pangkalusugan ng ating bayan.

Kagaya ng check-up na ginagawa ng mga doktor sa mga pasyenteng nagtitiyagang pumila kailangan na rin sigurong i-check-up ang pangkabuuuang kalagayang pangkalusugan sa Pilipinas.

No comments:

Post a Comment